i.His head was wrapped in packaging tape while his hands and feet were tied.” Jeannette Andrade, PDI, 06/20/2010

Walang makapagsabi kung sino ang bangkay na natagpuang
nakahandusay sa damuhan. Bukod sa nakatali ang kamay
sa paa’t buyangyang ang bituka, pinulupot ng masking tape
ang kanyang buong mukha. Walang kaming matagpuang kahit

na anong uri ng pagkakakilanlan sa kanyang katawan, kinapa
ko ang bulsa, walang pitaka, walang ID, walang ni isang larawan
ng kahit na sinong kamag-anak o kakilala.  Ipinagtanong ko
sa istasyon kung may mga ulat kamakailan lamang

ng mga taong nawawala’t pinaghahanap. Ngunit wala silang
naitala kaya hinalughog namin ang paligid para sa ebidensiya.
Napulot namin ang duguang saplot na nakakalat at sumabit
sa kunsaan-saang talahib at sanga at nakita rin ang dalawang

tinggang balang pinatagos mula bumbunan hanggang noo
ng di-makilalang biktima. At nang wala nang makitang paraan
para mapangalanan ang katawanan, napagdesisyunan kong pilasin
ang tape na nakatakip sa mukha. Inihilig ko sa pagitan ng aking mga hita

ang balot na balot na ulo at sinimulang tapyasin ang tape
sa gilid ng panga na parang  binabalatang jamon de bola sa pasko.
Sumama sa lagkit ang buong balat, nagmantika ang nabugbog
na laman ng pisngi,  ang labing bukang-buka, ang maga-sa-pulang

gilagid, ang napisang buto sa ilong, nadiskaril na mga ngipin, ang butas
na butas na noo, ang napilas na anit, sumilip na bahagi ng bungo
at natungkab na buhok sa ulo. Tinitigan kong mabuti
ang natalupang mukha sa buung-buo nitong kahubdan:

Wala nang maaaring makakilala pa sa kanya,
sapagkat kamukha niya na ang Lungsod matapos halayin
ng hambalos ng unos o di kaya’y gahasain ng dahas ng araw-
araw: mukhang tinadtad na karne sa sangkalan, mukhang itinapong

lamang-loob sa kanal, mukhang tumagas na langis sa pusalian,
mukhang binungkal na basura sa tambakan, mukhang mumo sa pinggang
isang linggong di nahugasan, mukhang nabulok na ulam, mukhang
ngangang dinura sa aking paanan, mukhang nahulog at nalamog

na pakwan, mukhang kinalaykay na putikan, mukhang hinalukay na poso
negro, mukhang hinukay na libingan, mukhang natupok na gusali’t kabahayan,
mukhang nalapnos na palad, mukhang nana sa di na naghihilom na sugat.
Sa tagal kong nakatingi’y nakaligtaan ko na ang iba pang kailangang

gawin. Pagtungo ko’y nakatingin na sa akin lahat ng mga kasama,
at doo’y natagpuan ko ang sariling yakap-yakap itong naglalanggas
na mukha na parang lumisang kabiyak, panganay na anak
o nabitawang sariling ulo sa pagitan ng aking mga hita.

ii. cartographic sketch

Minasdan kong mabuti ang mukhang nakapasikil
sa pader na pinaghahanap ng awtoridad: mataas ang ilong,
humpak ang pisngi, malalalim ang mata’t manipis ang labi.
Lumapit ako roon, kinabisado ng aking mga daliri

ang magagaspang na guhit at saka ako pumikit.
Inisip kong tumagos ang aking haplos sa papel,
at noon ri’y naramdaman ko ang ligasgas ng di natabas
na damo at lagkit ng alimuom ng nanuyong pawis

sa baba nito. Sinalat ko ang patilyang di naahit,
hinawi ang bagsak na buhok sa tainga. Saka ko niyapos
ang leeg patungong batok, at doo’y pinaikot ang daliri
hanggang matunton ang gitna: tila’y inasinta, tinutukan ko

ng hintuturo ang likod ng inaakusahang maysala. Sino
at bakit kaya siya tinutugis? Magkano kaya ang presyong ipinatong
sa kanyang ulo? Hinagilap ko ang hitsura nito sa dagat  ng mga mukhang
araw-araw kong nakakasalamuha sa lansangan. Paano kaya

kung madalas ko itong makasalubong sa daan?  Malamang
isa siya sa mga mekaniko sa talyer sa labas, lagi’t laging nagtatago
sa ilalim ng sasakyan. Siguro isa siya sa mga tuberong nagkatawang-
numero o di kaya’y isa sa mga aninong nagsisigarilyo’t

nag-aabang sa madidilim na eskinita. Baka isa siya
sa mga nakakakuskos-balikat at nakakatabig-siko sa loob ng tren,
natatapakan ang paa sa dilim ng sinehan, natatabig ng bag sa loob ng bus,
o di kaya’y naaatrasan sa mahabang pila. Paano kaya kung isa

siya sa mga matang naghihintay ng maililigaw sa tahimik
na kalsada? Paano kaya kung isa siya sa mga tinig na
sumisitsit sa aking pagdaan? Paano kaya kung isa
siya sa mga bukas na palad na nagpapaabot ng sukli sa dyip?

Mamumukhaan ko kaya ang hitsura ng panganib?
Pagdating sa bahay, hinilamos ko ang pagod at hinilod
sa aking pisngi ang libag, alikabok, dugo at lumot
ng araw-araw sa Lungsod. Pagtingin ko sa salamin,

nakita ko ang mataas na ilong, humpak na pisngi, malalalim na mata’t
manipis na labi. Umalingasaw sa banyo ang amoy ng alimuom, nanuyong
pawis at di-natabas na damo. May bumulong ng Mahal,  humagod
sa aking likod, at may dilang tumumbok sa aking batok.

Sa labas, dumagundong ang busina ng mga sasakyan,
wangwang ng mga pulis at sirena ng mga firetrak.
Sa loob ng aking kuwarto, umalingawngaw ang malakas
na anunsiyo ng balita: Natagpuan na ang maysala!