Hindi ito paglingon
kundi paglalakad nang pabaligtad
itong pagbibilang,
hindi hanggang wakas,
kundi pabalik
sa Simula’t Sapul ng lahat:
sa Puno’t Dulo,
kung saan nakabinbin sa ere
ang buong Uniberso:
Bago umalpas ang huling hininga sa lupa,
bago magbanggaan sa kalawakan ang mga bato,
bago humarurot pabagsak ang mga bulalakaw,
bago magpatihulog ang mga nakasabit na ulan,
bago tumalsik sa bisita ang natabig na tubig,
bago bumulalas ang tunog sa mga hiyaw na naipit,
bago sumambulat
ang liwanag
sa abot-tanaw,
bago humalik
ang apoy
sa pisngi
ng dagat,
bago ang huling bilang ng
–      Tatlo,
Dalawa  –
makikita ang kahuli-hulihang tagpo
sa kauna-unahang araw
ng Mundo:
Bubulwak ang puting-puting laway
sa gilid ng bibig ng Daigdig –
Isa  –
Pigil-hininga ang lupa’t
mananahimik sandali
bago ibuntunghininga
ang isang malakas na malakas na
          Pasabog.

 

Two.

Bumabagsak ang pag-ibig sa daigdig
nang nakasegundometro.
Alam na alam niya ito,
ngunit hindi niya inasahang
ito ang simula ng pagguho ng mundo:

Matapos magbilang ng  –
Tatlo, Dalawa  –
nakita niya munang kumurap
ang langit sa pagbulusok ng  –
Isa  –
isang kinang,
saka pigil-hiningang
niyakap ng dagat-
dagatang dagitab ang disyerto:
itong ligamgam ng alon ang nagsaulo
sa mamasa-masa nating hininga1

Minasdan niya nang walang tunog
ang malakas na pagsabog.
Namukadkad ang itim na bulaklak
sa disyerto at inalimpuyo ang paligid
ng mga abuhing talulot ng rosas.
Tila pangitain ng sawing pag-ibig,
Le Fleurs Du Mal: napuno ng mga liham
na pinagpupupunit ang buong langit.

Itiniklop niya sandali ang binabasang tula:
Isang buong hemisferyo ang pumpon sa kanyang ulo.2
Naalala niya ang kanyang asawa,
kung paano niya ihilamos ang kanyang mukha
sa bumbunan nito, kung paaano niya buung-buong
higupin ang nakulob na pawis ng buong araw
sa kanyang anit, at kung paaano niya sindihan
sa init ng kanyang hininga, silaban sa gasolina
ng kanyang laway, at suklayin ng apoy
sa kanyang dila ang bawat hibla
ng kanyang buhok na parang sanlaksang
mitsa ng santumpok na dinamita.

Sa kanyang isip, ito marahil ang totoong mukha
ng Alindog. Lagi’t laging maamo
at lagi’t lagi ring nakakatakot,
lagi’t laging naaantala sa Rikit
ang kakambal nitong Hilakbot.

Sabik siyang ibalita ang resulta sa kanyang asawa:
“Sa wakas, tapos na,
Maaari mo nang palitan ang kobrekama.”3

Ngunit walang sasagot sa kabilang linya,
tanging istatik ng radyo
at isang malabong alingawngaw ng putok
mula sa isang malakas na malakas na
Pasabog.

 

One.

Isinalo ko ang kanyang kamao na parang initsang
granada, malamig, matigas, at naghihintay mapilas
ang balat bago bumukadkad. Hinanap ko ang gatilyo
sa galang-galangan, pinisil ang ugat at pinakiramdaman
kung puputok ba ang himutok sa bilang ng kibot ng pagsabog.
Tinanong ko siya kung ano ang kanyang nararamdaman,
at sinabi niyang handa na ako sa tiyak na kamatayan.
Tinanong ko siya kung bakit at sinagot niya ako ng isang ngiti,
isang titig, Tingnan mo, bago maghubad at ipakita ang butas
na butas niyang dibdib. Ang lahat ay nakahanda na
sa nakatakdang maganap ayon sa bilang ng tibok ng daigdig.

Saka ako napatingin sa paligid.
At totoo nga, lahat sila ay nakahinto’t
naghihintay sa maaaring mangyari:
Nakatitig ang maybahay sa asawang nag-aagaw-buhay,
naghihintay ng huling haltak ng katawan bago tuluyang
pumanaw; nakatitig ang doktor sa mga resulta ng mga pag-aaral,
naghihintay ng himalang maliligaw; nakatitig ang anak
sa kanyang naputol na daliri sa lamesa, naghihintay tubuan
magmuli ng kamay;  nakatitig ang babae sa iskrin ng ultrasound,
naghihintay ng maniningas na mga mata sa dilim ng kanyang
sinapupunan; nakatitig ang buntis sa dambuhala niyang tiyan,
naghihintay ng unang palahaw; nakatitig ang asawa  mula sa labas
ng silid, naghihintay mayakap ang duguang panganay; nakatitig
ang kanyang asawa mula sa loob naghihintay ng isang halik
at isang pisil sa palad.  Nakatitig silang lahat sa posibilidad
ng peligro. Umaasang makikita nila ito, makikilala’t mamumukhaan
mula sa malayong panaginip, kahit saglit, kahit isang kisapmata,
bago tanggapin nang buung-buo ang sagpang ng lagablab
ng sindak sa sandali ng kanilang pagkurap.

Idinampi niya sa kanyang dibdib ang aking istetoskop
at sinabing dinggin mo ang tawag ng daigdig. Pinakinggan
ko ang pantay niyang paghinga, ang kalmado
at tahimik na pagtibok ng kanyang puso. Kumibot
ang lupa sa aking paanan at parang nagbitak ang pagitan
ng mga baldosa sa sahig. Tinanong ko siya ng hindi
ka ba natatakot? At sinagot niya ako ng sino ba’ng maililigtas
sa nakaamba nang maganap?  Sabay sabing, ikaw,
bakit hindi ka pa umalis kanina, habang maaga,
para makatakas?  Napailing ako at sinabing  hindi ko alam,
hindi ako handa sa maaaring mangyari, katulad ng marami,
ngunit maghihintay ako at makikipagtitigan
sa panganib ng iyong dibdib
kaysa isalba ang sarili.

Inilapit ko ang aking mukha
at niyakap ang kanyang  dibdib.
Ibinalot niya ako sa kanyang mga braso
at sa init at dilim ng kanyang kalamnan,
sumagitsit ang mga huling liwanag
ng mundo mula sa kanyang bukas
na bukas na puso,
nagbibilang ng  –
Tatlo,
        Dalawa,
    Isa  –
isang saglit na hinga,
bago tumiklop ang sansinukob
mula sa malakas na malakas na 

Zero.

 

 

 

 

 

Pasabog

1 itong ligamgam ng alon ang nagsaulo / sa mamasa-masa nating hininga (p.28):

“the warm sea knows our watered breath,” isa sa mga ligaw na berso naisulat ni J. Robert Oppenheimer noong 1928.

2  Isang buong hemisferyo ang pumpon sa kanyang ulo (p.28):

“Un Hémisphère dans une Chevelure” ni Charles Baudelaire sa Le Fleurs du Mal, isa sa mga isinalin ni Oppenheimer na paborito niyang basahin at, sa katunayan, binabasa niya upang pakalmahin ang sarili bago ang bomb testing sa Los Alamos, New Mexico. Ang mga sumusunod na linya ay salin-hango sa mga unang linya ng nasabing tula.

3 Maaari mo nang palitan ang kobrekama (p.29):

“You can now change the sheets.” Ang sikretong code ni Oppenheimer sa kanyang asawa para ibalita na naging matagumpay ang testing ng bombang gagamitin ng Amerika sa Hiroshima.