Sinakluban nila ang apoy bilang tanda na kailangan na nilang humayo’t magsiuwian. Binuhusan nila ng buhangin saka tinapak-tapakan ang ningas nang walang matagpuang bakas ng anumang naganap. Nagsitayuan ang lahat sabay nilingon ang direksiyon ng tatahakin nilang landas. Dahil sa brownout, binura na ng dilim at binalot ng anino ang buong Siyudad. Halos wala silang makita sa daan at ang anumang mamataan ng sinag ng buwan o ng kanilang headlights ay natutunaw sa salamin sa pagpaspas ng kanilang sasakyan. Kailangan nilang bilisan nang makahabol sa takdang oras. Hindi puwedeng mahuli. Hindi puwedeng mahulìng nahuli. Sa kanilang pagdaan sa mahabang-mahaba’t tiwangwang na palayan, tumambad sa gilid ng kanilang mga mata ang mga naiwa’t naabutan na ng hatinggabi sa kalsada, tila pumapara: may mga nakaputi’t duguang nakatindig sa gilid ng daan, may hubo’t hubad na lumalangoy sa damuhan, may mga nakasampay sa barbwire na tila tao-tao sa parang, may mga nakasabit sa mga kable na tila nabitag na mga aswang, may mga nakahilata sa gitna na tila mga pusang nasagasaan. Lalo nilang tinulinan ang pagmamaneho. Walang nagsalita, sa halip, nangusap ang kanilang mga titig sa isa’t isa, guniguni lang lahat at wala tayong nakita, saka sabay-sabay na nag-antanda. Tumigil sila saglit nang salubungin sila ng tutok ng flashlight sa checkpoint. Naabisuhan na sila ng mga dapat isagot, wala kaming nadala sa aming pag-uwi, habang binubuksan ang likod ng kotse. Saka lang sila nakahinga nang tumango na ang kausap pagkasara ng trunk. Dali-daling tinapakan ng isa ang gas at mabilis na nagpatakbo matapos silang payagang makatakas. Sa dilim, parang sinaunang sibilisasyon na di pa natutunton ang buong Lungsod, nilingkisan ng anino ng mga overpass ang mga lamppost at billboard at natunaw ang mga dambuhalang gusali sa likod ng mga barung-barong at bunduk-bundok na basura. Maririnig pa rin ang mahihinang lagaslas ng mga nagmamadaling yabag ng paa kahit na wala nang makikitang naglalakad sa kalsada. Mauubos na ang oras, kailangan na nating makaligtas. Pagpasok nila sa kanilang compound, malayo pa lang sa tarangkahan, nakita na nila sa loob ng kanilang bahay ang maningas na maningas na mga mata. Nag-aabang.

edsa-coverThis poem was published under the section of “creative critiques” in Remembering/Rethinking EDSA, edited by Caroline Hau and JPaul Manzanilla, Manila: Anvil Publishing Inc., 2016 (307-308).  You can access the book here.