Nauna akong pumasok sa silid,
at lumusot sa isa sa mga nakahanay
na kulungang makikitid. Naramdaman
kitang sumunod sa pag-aligid ng isang
anino sa tahimik na dingding.
Inabangan ko ang iyong paghagilap sa akin.
Parang taguan, naririnig kong isa-isang
Lumalangitngit ang magkakatabi’t matagal
nang hindi nabubuksang mga silid. Pinakiramdaman
ang pagbukas-sara, ang pagbulabog ng bungad
ng liwanag at pag-alsa ng alikabok. Sa loob
ng dilim, nagnakaw ako ng isang ngiti: Pananabik.
Ilang anino kaya ang nagtago’t tumakas
sa mga maliliit na karsel na ito? Lumapit ako sa pinto
at sumilip sa butas. Walang ibang tao kundi ako.

Tahimik ang buong bulwagan. Napaupo,
ako, napagod sa sarili kong laro. Ganito natin
dinalaw itong minsang marahas na lugar.
Maaaring sa di-malayong panahon, dito
sa aking kinauupuan may babaeng buntis
na naghehele ng kanyang pasa sa tiyan, may lamog-
sa-bugbog na lalaking nakahalukipkip
sa isang sulok, may batang nagbibilang
ng paglipas ng araw sa mga dingding. Malamang
parang taguan, mulagat sila’t pigil-hininga.
Kinatatakutan nila ang pagbukas ng pintuan.
Wala, isa man, ang nais matagpuan.

Paano na ulit tayo napadpad sa lugar
na ito? Bakit natin napanabikan itong dahas
na hindi naman sa atin dumapo? Malamang para
sa kanila, karumal-dumal  malaman kung paano
nililikha ng kamay ng kanilang mga kapitbahay,
kamag-anak, kababata 
ang mga kagamitang
magpaparusa sa kanilang mga kapangahasan.
Itong mga pader na tinibag ng kanilang mga ama,
itong mga tinanikalang-bakal na dali-daling
pinanday ng kanilang mga kuya, itong iba’t ibang
uri ng mga gapos: latigo, sinturon, sintas, kuwelyo,
kwintas, mga bagay na minsan ring buong pagmamahal
na sinuot, sinara, sinukbit at tinirintas sa kanila
ng kanilang ina’t asawa. Paano sila napaniwalang ligtas
sa kapahamakan mula sa pananalig sa mga bagay na pamilyar
at pang-araw-araw? At tayong mga dayo, mga turista,
paano tayo mananampalatayang maiaadya sa lahat
ng masama sa pagdalaw sa ating takot kapiling ang isa’t isa?

Narinig ko ang alingawngaw ng aking pangalan.
Sumagot ako sa pagtawag: Nandito!
At nagsisagutan rin nang nandito ang lahat
ng mga anino sa loob ng mga preso.