Selected Poems

Click the title to read the entire text of the poem
or download PDF file of poetry suites.

Curfew

 

Sinakluban nila ang apoy bilang tanda na kailangan na nilang humayo’t magsiuwian. Binuhusan nila ng buhangin saka tinapak-tapakan ang ningas nang walang matagpuang bakas ng anumang naganap. Nagsitayuan ang lahat sabay nilingon ang direksiyon ng tatahakin nilang landas. Dahil sa brownout, binura na ng dilim at binalot ng anino ang buong Siyudad. Halos wala silang makita sa daan at ang anumang mamataan ng sinag ng buwan o ng kanilang headlights ay natutunaw sa salamin sa pagpaspas ng kanilang sasakyan. Kailangan nilang bilisan nang makahabol sa takdang oras. Hindi puwedeng mahuli. Hindi puwedeng mahulìng nahuli. Sa kanilang pagdaan sa mahabang-mahaba’t tiwangwang na palayan, tumambad sa gilid ng kanilang mga mata ang mga naiwa’t naabutan na ng hatinggabi sa kalsada, tila pumapara: may mga nakaputi’t duguang nakatindig sa gilid ng daan, may hubo’t hubad na lumalangoy sa damuhan, may mga nakasampay sa barbwire na tila tao-tao sa parang, may mga nakasabit sa mga kable na tila nabitag na mga aswang, may mga nakahilata sa gitna na tila mga pusang nasagasaan. Lalo nilang tinulinan ang pagmamaneho. Walang nagsalita, sa halip, nangusap ang kanilang mga titig sa isa’t isa, guniguni lang lahat at wala tayong nakita, saka sabay-sabay na nag-antanda. Tumigil sila saglit nang salubungin sila ng tutok ng flashlight sa checkpoint. Naabisuhan na sila ng mga dapat isagot, wala kaming nadala sa aming pag-uwi, habang binubuksan ang likod ng kotse. Saka lang sila nakahinga nang tumango na ang kausap pagkasara ng trunk. Dali-daling tinapakan ng isa ang gas at mabilis na nagpatakbo matapos silang payagang makatakas. Sa dilim, parang sinaunang sibilisasyon na di pa natutunton ang buong Lungsod, nilingkisan ng anino ng mga overpass ang mga lamppost at billboard at natunaw ang mga dambuhalang gusali sa likod ng mga barung-barong at bunduk-bundok na basura. Maririnig pa rin ang mahihinang lagaslas ng mga nagmamadaling yabag ng paa kahit na wala nang makikitang naglalakad sa kalsada. Mauubos na ang oras, kailangan na nating makaligtas. Pagpasok nila sa kanilang compound, malayo pa lang sa tarangkahan, nakita na nila sa loob ng kanilang bahay ang maningas na maningas na mga mata. Nag-aabang.

* * *

This poem was published under the section of “creative critiques” in Remembering/Rethinking EDSA, edited by Caroline Hau and JPaul Manzanilla, Manila: Anvil Publishing Inc., 2016 (307-308).  You can access the book here.

Confesionario

 

Nauna akong pumasok sa silid,
at lumusot sa isa sa mga nakahanay
na kulungang makikitid. Naramdaman
kitang sumunod sa pag-aligid ng isang
anino sa tahimik na dingding.
Inabangan ko ang iyong paghagilap sa akin.
Parang taguan, naririnig kong isa-isang
Lumalangitngit ang magkakatabi’t matagal
nang hindi nabubuksang mga silid. Pinakiramdaman
ang pagbukas-sara, ang pagbulabog ng bungad
ng liwanag at pag-alsa ng alikabok. Sa loob
ng dilim, nagnakaw ako ng isang ngiti: Pananabik.
Ilang anino kaya ang nagtago’t tumakas
sa mga maliliit na karsel na ito? Lumapit ako sa pinto
at sumilip sa butas. Walang ibang tao kundi ako.

Tahimik ang buong bulwagan. Napaupo,
ako, napagod sa sarili kong laro. Ganito natin
dinalaw itong minsang marahas na lugar.
Maaaring sa di-malayong panahon, dito
sa aking kinauupuan may babaeng buntis
na naghehele ng kanyang pasa sa tiyan, may lamog-
sa-bugbog na lalaking nakahalukipkip
sa isang sulok, may batang nagbibilang
ng paglipas ng araw sa mga dingding. Malamang
parang taguan, mulagat sila’t pigil-hininga.
Kinatatakutan nila ang pagbukas ng pintuan.
Wala, isa man, ang nais matagpuan.

Paano na ulit tayo napadpad sa lugar
na ito? Bakit natin napanabikan itong dahas
na hindi naman sa atin dumapo? Malamang para
sa kanila, karumal-dumal  malaman kung paano
nililikha ng kamay ng kanilang mga kapitbahay,
kamag-anak, kababata 
ang mga kagamitang
magpaparusa sa kanilang mga kapangahasan.
Itong mga pader na tinibag ng kanilang mga ama,
itong mga tinanikalang-bakal na dali-daling
pinanday ng kanilang mga kuya, itong iba’t ibang
uri ng mga gapos: latigo, sinturon, sintas, kuwelyo,
kwintas, mga bagay na minsan ring buong pagmamahal
na sinuot, sinara, sinukbit at tinirintas sa kanila
ng kanilang ina’t asawa. Paano sila napaniwalang ligtas
sa kapahamakan mula sa pananalig sa mga bagay na pamilyar
at pang-araw-araw? At tayong mga dayo, mga turista,
paano tayo mananampalatayang maiaadya sa lahat
ng masama sa pagdalaw sa ating takot kapiling ang isa’t isa?

Narinig ko ang alingawngaw ng aking pangalan.
Sumagot ako sa pagtawag: Nandito!
At nagsisagutan rin nang nandito ang lahat
ng mga anino sa loob ng mga preso.

Pasabog

 

Hindi ito paglingon
kundi paglalakad nang pabaligtad
itong pagbibilang,
hindi hanggang wakas,
kundi pabalik
sa Simula’t Sapul ng lahat:
sa Puno’t Dulo,
kung saan nakabinbin sa ere
ang buong Uniberso:
Bago umalpas ang huling hininga sa lupa,
bago magbanggaan sa kalawakan ang mga bato,
bago humarurot pabagsak ang mga bulalakaw,
bago magpatihulog ang mga nakasabit na ulan,
bago tumalsik sa bisita ang natabig na tubig,
bago bumulalas ang tunog sa mga hiyaw na naipit,
bago sumambulat
ang liwanag
sa abot-tanaw,
bago humalik
ang apoy
sa pisngi
ng dagat,
bago ang huling bilang ng
–      Tatlo,
Dalawa  –
makikita ang kahuli-hulihang tagpo
sa kauna-unahang araw
ng Mundo:
Bubulwak ang puting-puting laway
sa gilid ng bibig ng Daigdig –
Isa  –
Pigil-hininga ang lupa’t
mananahimik sandali
bago ibuntunghininga
ang isang malakas na malakas na
          Pasabog.

 

Two.

Bumabagsak ang pag-ibig sa daigdig
nang nakasegundometro.
Alam na alam niya ito,
ngunit hindi niya inasahang
ito ang simula ng pagguho ng mundo:

Matapos magbilang ng  –
Tatlo, Dalawa  –
nakita niya munang kumurap
ang langit sa pagbulusok ng  –
Isa  –
isang kinang,
saka pigil-hiningang
niyakap ng dagat-
dagatang dagitab ang disyerto:
itong ligamgam ng alon ang nagsaulo
sa mamasa-masa nating hininga1

Minasdan niya nang walang tunog
ang malakas na pagsabog.
Namukadkad ang itim na bulaklak
sa disyerto at inalimpuyo ang paligid
ng mga abuhing talulot ng rosas.
Tila pangitain ng sawing pag-ibig,
Le Fleurs Du Mal: napuno ng mga liham
na pinagpupupunit ang buong langit.

Itiniklop niya sandali ang binabasang tula:
Isang buong hemisferyo ang pumpon sa kanyang ulo.2
Naalala niya ang kanyang asawa,
kung paano niya ihilamos ang kanyang mukha
sa bumbunan nito, kung paaano niya buung-buong
higupin ang nakulob na pawis ng buong araw
sa kanyang anit, at kung paaano niya sindihan
sa init ng kanyang hininga, silaban sa gasolina
ng kanyang laway, at suklayin ng apoy
sa kanyang dila ang bawat hibla
ng kanyang buhok na parang sanlaksang
mitsa ng santumpok na dinamita.

Sa kanyang isip, ito marahil ang totoong mukha
ng Alindog. Lagi’t laging maamo
at lagi’t lagi ring nakakatakot,
lagi’t laging naaantala sa Rikit
ang kakambal nitong Hilakbot.

Sabik siyang ibalita ang resulta sa kanyang asawa:
“Sa wakas, tapos na,
Maaari mo nang palitan ang kobrekama.”3

Ngunit walang sasagot sa kabilang linya,
tanging istatik ng radyo
at isang malabong alingawngaw ng putok
mula sa isang malakas na malakas na
Pasabog.

 

One.

Isinalo ko ang kanyang kamao na parang initsang
granada, malamig, matigas, at naghihintay mapilas
ang balat bago bumukadkad. Hinanap ko ang gatilyo
sa galang-galangan, pinisil ang ugat at pinakiramdaman
kung puputok ba ang himutok sa bilang ng kibot ng pagsabog.
Tinanong ko siya kung ano ang kanyang nararamdaman,
at sinabi niyang handa na ako sa tiyak na kamatayan.
Tinanong ko siya kung bakit at sinagot niya ako ng isang ngiti,
isang titig, Tingnan mo, bago maghubad at ipakita ang butas
na butas niyang dibdib. Ang lahat ay nakahanda na
sa nakatakdang maganap ayon sa bilang ng tibok ng daigdig.

Saka ako napatingin sa paligid.
At totoo nga, lahat sila ay nakahinto’t
naghihintay sa maaaring mangyari:
Nakatitig ang maybahay sa asawang nag-aagaw-buhay,
naghihintay ng huling haltak ng katawan bago tuluyang
pumanaw; nakatitig ang doktor sa mga resulta ng mga pag-aaral,
naghihintay ng himalang maliligaw; nakatitig ang anak
sa kanyang naputol na daliri sa lamesa, naghihintay tubuan
magmuli ng kamay;  nakatitig ang babae sa iskrin ng ultrasound,
naghihintay ng maniningas na mga mata sa dilim ng kanyang
sinapupunan; nakatitig ang buntis sa dambuhala niyang tiyan,
naghihintay ng unang palahaw; nakatitig ang asawa  mula sa labas
ng silid, naghihintay mayakap ang duguang panganay; nakatitig
ang kanyang asawa mula sa loob naghihintay ng isang halik
at isang pisil sa palad.  Nakatitig silang lahat sa posibilidad
ng peligro. Umaasang makikita nila ito, makikilala’t mamumukhaan
mula sa malayong panaginip, kahit saglit, kahit isang kisapmata,
bago tanggapin nang buung-buo ang sagpang ng lagablab
ng sindak sa sandali ng kanilang pagkurap.

Idinampi niya sa kanyang dibdib ang aking istetoskop
at sinabing dinggin mo ang tawag ng daigdig. Pinakinggan
ko ang pantay niyang paghinga, ang kalmado
at tahimik na pagtibok ng kanyang puso. Kumibot
ang lupa sa aking paanan at parang nagbitak ang pagitan
ng mga baldosa sa sahig. Tinanong ko siya ng hindi
ka ba natatakot? At sinagot niya ako ng sino ba’ng maililigtas
sa nakaamba nang maganap?  Sabay sabing, ikaw,
bakit hindi ka pa umalis kanina, habang maaga,
para makatakas?  Napailing ako at sinabing  hindi ko alam,
hindi ako handa sa maaaring mangyari, katulad ng marami,
ngunit maghihintay ako at makikipagtitigan
sa panganib ng iyong dibdib
kaysa isalba ang sarili.

Inilapit ko ang aking mukha
at niyakap ang kanyang  dibdib.
Ibinalot niya ako sa kanyang mga braso
at sa init at dilim ng kanyang kalamnan,
sumagitsit ang mga huling liwanag
ng mundo mula sa kanyang bukas
na bukas na puso,
nagbibilang ng  –
Tatlo,
        Dalawa,
    Isa  –
isang saglit na hinga,
bago tumiklop ang sansinukob
mula sa malakas na malakas na 

Zero.

Self-Portrait

i.His head was wrapped in packaging tape while his hands and feet were tied.” Jeannette Andrade, PDI, 06/20/2010

Walang makapagsabi kung sino ang bangkay na natagpuang
nakahandusay sa damuhan. Bukod sa nakatali ang kamay
sa paa’t buyangyang ang bituka, pinulupot ng masking tape
ang kanyang buong mukha. Walang kaming matagpuang kahit

na anong uri ng pagkakakilanlan sa kanyang katawan, kinapa
ko ang bulsa, walang pitaka, walang ID, walang ni isang larawan
ng kahit na sinong kamag-anak o kakilala.  Ipinagtanong ko
sa istasyon kung may mga ulat kamakailan lamang

ng mga taong nawawala’t pinaghahanap. Ngunit wala silang
naitala kaya hinalughog namin ang paligid para sa ebidensiya.
Napulot namin ang duguang saplot na nakakalat at sumabit
sa kunsaan-saang talahib at sanga at nakita rin ang dalawang

tinggang balang pinatagos mula bumbunan hanggang noo
ng di-makilalang biktima. At nang wala nang makitang paraan
para mapangalanan ang katawanan, napagdesisyunan kong pilasin
ang tape na nakatakip sa mukha. Inihilig ko sa pagitan ng aking mga hita

ang balot na balot na ulo at sinimulang tapyasin ang tape
sa gilid ng panga na parang  binabalatang jamon de bola sa pasko.
Sumama sa lagkit ang buong balat, nagmantika ang nabugbog
na laman ng pisngi,  ang labing bukang-buka, ang maga-sa-pulang

gilagid, ang napisang buto sa ilong, nadiskaril na mga ngipin, ang butas
na butas na noo, ang napilas na anit, sumilip na bahagi ng bungo
at natungkab na buhok sa ulo. Tinitigan kong mabuti
ang natalupang mukha sa buung-buo nitong kahubdan:

Wala nang maaaring makakilala pa sa kanya,
sapagkat kamukha niya na ang Lungsod matapos halayin
ng hambalos ng unos o di kaya’y gahasain ng dahas ng araw-
araw: mukhang tinadtad na karne sa sangkalan, mukhang itinapong

lamang-loob sa kanal, mukhang tumagas na langis sa pusalian,
mukhang binungkal na basura sa tambakan, mukhang mumo sa pinggang
isang linggong di nahugasan, mukhang nabulok na ulam, mukhang
ngangang dinura sa aking paanan, mukhang nahulog at nalamog

na pakwan, mukhang kinalaykay na putikan, mukhang hinalukay na poso
negro, mukhang hinukay na libingan, mukhang natupok na gusali’t kabahayan,
mukhang nalapnos na palad, mukhang nana sa di na naghihilom na sugat.
Sa tagal kong nakatingi’y nakaligtaan ko na ang iba pang kailangang

gawin. Pagtungo ko’y nakatingin na sa akin lahat ng mga kasama,
at doo’y natagpuan ko ang sariling yakap-yakap itong naglalanggas
na mukha na parang lumisang kabiyak, panganay na anak
o nabitawang sariling ulo sa pagitan ng aking mga hita.

 

ii. cartographic sketch

Minasdan kong mabuti ang mukhang nakapasikil
sa pader na pinaghahanap ng awtoridad: mataas ang ilong,
humpak ang pisngi, malalalim ang mata’t manipis ang labi.
Lumapit ako roon, kinabisado ng aking mga daliri

ang magagaspang na guhit at saka ako pumikit.
Inisip kong tumagos ang aking haplos sa papel,
at noon ri’y naramdaman ko ang ligasgas ng di natabas
na damo at lagkit ng alimuom ng nanuyong pawis

sa baba nito. Sinalat ko ang patilyang di naahit,
hinawi ang bagsak na buhok sa tainga. Saka ko niyapos
ang leeg patungong batok, at doo’y pinaikot ang daliri
hanggang matunton ang gitna: tila’y inasinta, tinutukan ko

ng hintuturo ang likod ng inaakusahang maysala. Sino
at bakit kaya siya tinutugis? Magkano kaya ang presyong ipinatong
sa kanyang ulo? Hinagilap ko ang hitsura nito sa dagat  ng mga mukhang
araw-araw kong nakakasalamuha sa lansangan. Paano kaya

kung madalas ko itong makasalubong sa daan?  Malamang
isa siya sa mga mekaniko sa talyer sa labas, lagi’t laging nagtatago
sa ilalim ng sasakyan. Siguro isa siya sa mga tuberong nagkatawang-
numero o di kaya’y isa sa mga aninong nagsisigarilyo’t

nag-aabang sa madidilim na eskinita. Baka isa siya
sa mga nakakakuskos-balikat at nakakatabig-siko sa loob ng tren,
natatapakan ang paa sa dilim ng sinehan, natatabig ng bag sa loob ng bus,
o di kaya’y naaatrasan sa mahabang pila. Paano kaya kung isa

siya sa mga matang naghihintay ng maililigaw sa tahimik
na kalsada? Paano kaya kung isa siya sa mga tinig na
sumisitsit sa aking pagdaan? Paano kaya kung isa
siya sa mga bukas na palad na nagpapaabot ng sukli sa dyip?

Mamumukhaan ko kaya ang hitsura ng panganib?
Pagdating sa bahay, hinilamos ko ang pagod at hinilod
sa aking pisngi ang libag, alikabok, dugo at lumot
ng araw-araw sa Lungsod. Pagtingin ko sa salamin,

nakita ko ang mataas na ilong, humpak na pisngi, malalalim na mata’t
manipis na labi. Umalingasaw sa banyo ang amoy ng alimuom, nanuyong
pawis at di-natabas na damo. May bumulong ng Mahal,  humagod
sa aking likod, at may dilang tumumbok sa aking batok.

Sa labas, dumagundong ang busina ng mga sasakyan,
wangwang ng mga pulis at sirena ng mga firetrak.
Sa loob ng aking kuwarto, umalingawngaw ang malakas
na anunsiyo ng balita: Natagpuan na ang maysala!

Prehistoria

 

“History is hysterical: it is constituted only if we consider it, only if we look at it…” Roland Barthes, Camera Lucida

Tinutunaw ng liwanag mula sa poste ang panahon sa nabubulok
na niyebe. Umaalimbukay ang nginig habang gumuguhit sa hangin

ang iyong hininga. Dito kumakapit ang lamig sa lahat: sa bubungan,
sa kalsada, sa mga sasakyan, sa basurahan, sa kable, kahit sa liwanag,

sa mga salita, sa iyong nanunuyong labi at dila, sa usok
ng hinihithit mong sigarilyo, kahit sa iyong buntunghininga.

Niluwa mo ang nikotinang sumabit sa iyong laway, lumubog
ang iyong dura sa niyebe, at sa harap ng dakilang siyudad na ito,

bago pa ang kasaysayan, naging marka ang iyong laway ng nandito
ako ngayon katulad ng bakas ng paa noong sinaunang panahon.

(Bago pa ang kasaysayan, noong wala pang wika para sa kahit na ano)
Minasdan mo ulit ang hatinggabi habang nagsisigarilyo. (binubuo

pa lamang ng mga bagong danas ang mga bokabularyo para sa mundong
ito:  Lumbay, isang pandiwang tumutukoy sa paglalakad  nang halos

walang saplot sa daan pagkatapos  ng mahaba-habang inuman.
Sa pangungusap, maaaring sabihing Nakakatuwa siyang tingnan 

kagabi habang lumulumbay pauwi sa bahay. Ligalig, isang pang-uring
tumutukoy sa anyo o estado ng kalat sa daan, halimbawa,

Sobrang ligalig ng basag-basag na bote at natumbang basurahan sa harap
ng bahay dahil sa mga lalaking lumbay na’t naghaharutan sa daan

 noong umuwi kagabi.  Ligaya, isang pangngalan sa lahat ng maaaring
makitang naibaon sa niyebe, katulad na lamang ng Napakaraming ligaya 

ang maaaring  makitang ligalig nang naibaon sa ilalim ng niyebe,
may ilan sa kanila ang natatagpuan ang nawala nilang relos 

o alahas, mga lumang retrato  o nawaglit na resibo, minsan kahit ang sarili
nilang mukhang lumbay  sa natutunaw na yelo.)   

Tinapon at inapakan mo ang basyo ng sigarilyo kunsaan
minarkahan ng iyong dura ang lugar mo sa lungsod na ito.

Saka ka pumasok sa loob ng kusina para uminom ng tubig. Natagpuan mo
sa gitna  ng salansan ng pinaggamitang plato ang iyong kaserola,

di pa nahuhugasan, at namumuo sa loob ang mumo ng natirang
harinang hinurno ng isa mong kasamahan sa bahay, parang

nagyelong mga matang kumapit sa pisngi ng bakal,
Parang mga ligayang nahukay mula sa natabunang ligalig

ng lalaking nalulumbay na nang mapadpad sa lungsod kunsaan
tinutunaw ng liwanag mula sa poste ang nabubulok na niyebe. 

 * * *

This poem was anthologized in Under the Storm: An Anthology of Contemporary Philippine Poetry, edited by Khavn Dela Cruz and Joel Toledo, Quezon City: The Antithesis Collective Publishing Co. (pp. 244-247). Interestingly, Adam David wrote a review, not about the anthology itself, but how the editors selected the poets and came up with the theme for this anthology.

Prehistoria (English Translation)

 

“History is hysterical: it is constituted only if we consider it, only if we look at it…” Roland Barthes, Camera Lucida

 

Light dissolves time from snow decaying on a pole.
Chill surges as the still air is cut through

by your breath. Here, the cold clings to everything: the rooftops,
the streets, cars, trash bins, cables, even to light,

to your words, to your chapped lips and parched tongue, to the smoke
dragged from your cigarette, even to your every sigh.

You spat out the nicotine from your tongue, it settled
on the snow, and in front of this great city,

even before its grand history, your spit stamped this place with I am
here now, like footprints from the ancient ages.

(Before history, when there were yet no words for anything)
You gazed once more at the midnight while smoking (when the vocabulary

for every step, every cry were just about to be formed from the lips
of this new world: Dolour, a verb referring to walking almost

nude on the streets after a long drinking spree.
Used in a sentence, one can say He looked ridiculous

walking home dolorously last night. Affray, an adjective
referring to the form or state of litter on the pavement, for example,

There is much affray of shattered glass, knocked down bins in front
of the house because of the dolorous young men’s mischievous ribbing

on their way home last night. Bliss, a substantive to everything
that could be found buried in the snow, just as So much bliss

can be found affray deep in the snow,
some have recovered their lost wristwatch

or jewelry, old photos or forgotten receipts, sometimes even their own
faces dolorously melting on the icy surface.)

You flicked and stepped on your cigarette stub where
your spit marks your place in this city.

You then headed to the kitchen to drink water. You found
your pot amid the pile of dirty dishes,

still unwashed, and remnants of the flour
that your housemate had baked have hardened inside, like

eyes frozen deep within the cheeks of stainless steel,
Like bliss dug out from the slumped fray

of the dolorous young man, cast out and lost in the city
where light dissolves time from snow decaying on a pole.

* * *

This poem was anthologized in Under the Storm: An Anthology of Contemporary Philippine Poetry, edited by Khavn Dela Cruz and Joel Toledo, Quezon City: The Antithesis Collective Publishing Co. (pp. 244-247). Interestingly, Adam David wrote a review, not about the anthology itself, but how the editors selected the poets and came up with the theme for this anthology.

Four Poems from Corpus

 

Click here to download the PDF of Corpus. Manila: University of Santo Tomas Publishing House, 2011.
ISBN: 9789715065931

Seven Poems from Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature 2008 Vol.2

 

Click here to download the PDF of Carlos Piocos’ suite of Poems from Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature 2008 Vol. 2 Edited by Virgiliio Almario